Tuesday, June 2, 2026

7 pang PTV, ipinamahagi ng PAGCOR

Pinangunahan nina PAGCOR President at Chief Operating Officer Atty. Wilma T. Eisma (ika-8 mula kaliwa) at Vice President for Corporate Social Responsibility Group Naealla Bainto-Aguinaldo (ika-7 mula kaliwa) ang turnover ng mga patient transport vehicle sa pitong benepisyaryo noong Mayo 26 sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Umabot na sa 189 ang kabuuang bilang ng mga Patient Transport Vehicle (PTV) na naipamahagi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) makaraang magkaloob ito ng pitong karagdagang yunit sa mga local government unit (LGU) at iba pang ahensya ng gobyerno nitong Martes, Mayo 26.

Pinangunahan nina PAGCOR President at Chief Operating Officer Atty. Wilma T. Eisma (ika-8 mula kaliwa) at Vice President for Corporate Social Responsibility Group Naealla Bainto-Aguinaldo (ika-7 mula kaliwa) ang turnover ng mga patient transport vehicle sa pitong benepisyaryo noong Mayo 26 sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Kabilang sa mga bagong benepisyaryo ang Dumaguete City sa Negros Oriental; mga bayan ng Narra sa Palawan, Manay sa Davao Oriental, at Sibalom sa Antique; gayundin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Corrections (BuCor), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).

Isinagawa ang turnover ceremony sa PAGCOR Corporate Office sa Pasay City.

Nauna nang sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na layon ng programa na palakasin ang kapasidad ng mga LGU, pampublikong institusyon, at security forces sa pagtugon sa mga emergency at sakuna.

Aniya, makatutulong ang mga PTV upang mas mapabilis at maging ligtas ang pagdadala ng mga pasyente sa panahon ng medical emergencies at disaster response operations.

Nagpasalamat naman ang hepe ng MMDA Road Emergency Group na si Edward Gonzales sa natanggap na ambulansya at sinabing malaking tulong ito sa kanilang operasyon.

Ininspeksiyon nina PAGCOR President at COO Atty. Wilma T. Eisma at CSR Group VP Naealla Bainto-Aguinaldo, kasama ang mga benepisyaryo, ang isa sa mga bagong ipinamahaging patient transport vehicle.

“Malaking bagay ito sa amin. We respond to 8 to 10 emergencies daily, at mas mapapabilis ang pag-pick-up namin sa mga pasyente hanggang sa maihatid sila sa ospital. Nagpapasalamat kami sa PAGCOR sa pagkakaloob ng PTV na ito,” ani Gonzales.

Kumpleto sa mahahalagang kagamitang medikal ang bawat patient transport vehicle na ipinamahagi ng PAGCOR, kabilang ang stretcher, oxygen tank, wheelchair, at first aid kit, gayundin ang navigation system para sa ligtas at maayos na pagdadala ng mga pasyente.
Facebook Comments