
Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Bataan District Office (NBI- BATADO) ang isang Chinese national at tatlong Pilipino dahil sa pagbebenta at pamamahagi ng mga hindi rehistradong household hazardous products sa mga bayan ng Orani at Abucay sa Bataan.
Una rito, nakatanggap ang mga operatiba ng NBI ng impormasyon mula sa isang confidential informant na may mga tindahang nagbebenta ng hindi rehistradong household aerosol insecticides na itinuturing na household o urban hazardous substances.
Kasunod nito ay nagsagawa ang mga NBI agent ng test-buy operation at ipinadala sa Food and Drug Administration (FDA) ang mga nakuhang produkto para sa beripikasyon.
Kinumpirma naman ng FDA sa pamamagitan ng certification na ang mga nasabing produkto ay walang rehistro.
Dahil dito, agad nagsagawa ng joint entrapment at inspection operation ang NBI-BATADO at mga FDA Regulatory Enforcement Officers mula sa North Luzon Cluster, Region III kontra sa dalawang establisimiyento sa Bataan.
Nasamsam sa operasyon ang hazardous products na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P120,000.
Agad namang isinalang sa inquest proceedings ang mga naarestong indibidwal sa Provincial Prosecutor’s Office ng Bataan dahil sa paglabag sa Republic Act No. 3720 o Food, Drug, and Cosmetic Act.










