Isang 73-anyos na babae mula sa India ang itinuturing na ngang pinakamatandang naging ina sa buong mundo matapos itong magluwal ng kambal na babae.
Ayon sa mag-asawang Erramatti Mangayamma, 73; at Rajarao Sitarama, 82, 60-taon raw silang naghintay na magkaroon ng mga anak.
Sa kabila ng edad ay naging posible ito dahil sa in vitro fertilization (IVF) kung saan sumailalim si Erramatti sa isang test, at kumuha ng itlog mula sa donor at sperm mula naman kay Rajarao.
Hindi na raw kasi posibleng makapag release ng itlog si Emmaratti dahil sa edad nito.
Naging matagumpay naman ang pamamaraan kaya noong Enero ngayong taon ay nabuntis ito at nito lamang Huwebes ay isinilang na nga niya ang kambal na anak.
Ayon sa doktor, naging maayos naman ang panganganak ni Erramatti sa pamamagitan ng caesarian operation at parehong malusog ang dalawang bata na may timbang na higit kumulang 2kgs.
Samantala, hindi na raw posible pang makapagpa-dede si Erramatti kaya ang naturang gatas na mula sa milk bank ang ibibigay sa mga bata.
Sa kabilang banda, isang araw matapos mailuwal ang kambal ay na-stroke si Rajarao na kasalukuyan namang nasa ospital.
Sa ngayon ay nasa mabuting kondisyon ang nanay at ang mga sanggol ngunit ayon sa doktor ay kailangan pa rin obserbahan si Emmaratti sa loob ng 21-araw.
Bagamat 25-taon na ang nakalipas nang ma menopause ang ginang, nanatiling buo ang loob ng mag-asawa na sumailalim sa naturang procedure.
Ayon naman sa mga eksperto, ang ideyal na edad upang magbuntis ang isang babae ay mula edad 25 hanggang 30.
Kapag umabot raw ng 35 hanggang 40 ay maaari pa rin manganak ang isang babae ngunit mas kailangan lang maging maingat nito.
Dagdag pa nito, hindi raw praktikal ang kasabihang ‘age doesn’t’ matter pagdating sa pagbubuntis dahil kinakailangan raw isaalang-alang ng isang babae ang kaligtasan niya at ng kanyang magiging anak.