Mahigit 151,000 pamilya ang apektado parin ng pagbaha sa Pangasinan, habang 79 barangay sa 10 bayan at isang lungsod ang nananatiling binabaha base sa monitoring ng mga awtoridad noong Agosto 14.
Ayon kay Pangasinan PDRRMO Head Vincent Chiu, nasa 151,162 pamilya mula sa 22 bayan ang naitala sa monitoring ng provincial disaster office.
Pinakaapektado ang Calasiao, Dagupan City at Lingayen, kung saan nagpapatuloy ang koordinasyon ng PDRRMO sa mga lokal na pamahalaan dahil sa panganib na dala ng patuloy na pag-ulan.
Patuloy din ang monitoring sa Tayug at San Nicolas, partikular sa mga lugar na nasa panganib ng landslide.
Samantala, siniguro naman ng PDRRMO na sapat na suplay ng Food and Non-Food Items (FNFI) para sa mga apektadong komunidad.
Batay sa datos ng DSWD Regional Office 1 hanggang Agosto 13, nasa 34,886 FNFI ang inilaan sa Pangasinan, katumbas ng 60 porsyento ng kabuuang FNFI sa Region 1.
Nananatili namang nakatutok ang mga awtoridad sa mga binahang barangay at iba pang lugar na posibleng maapektuhan ng baha at pagguho ng lupa habang nagpapatuloy ang masamang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








