Cauayan City, Isabela- Napasok na ng sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF) ang walong (8) barangay sa bayan ng Naguilian sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Juan Capuchino, ang walong apektadong barangay ay kinabibilangan ng Mansibang, Palattao, Magsaysay, Quirino, Roxas, Flores, Minallo at Minanga.
Mayroon na rin aniyang mga baboy na nakitaan ng ASF ang isinailalim na sa culling na tinatayang nasa mahigit 100 baboy at ibinaon na aniya ang mga ito sa mismong lugar ng mga backyard raisers.
Kaugnay nito, mahigpit aniya na ipinagbabawal ang pagkatay sa mga alagang baboy na hindi dumaan sa slaughther house.
Pinaalalahanan nito ang mga hog/backyard raisers na huwag katayin ang mga alagang baboy sa bakuran upang maiwasan ang pagkalat ng ASF at kung nais aniya na katayin ang baboy bago pa matamaan ng ASF ay idaan na lamang sa tamang proseso na dalhin ito sa lehitimong slaughter house.
Dapat rin aniyang maging alerto ang mga opisyal ng barangay upang mabantayan at maipatupad ang pagbabawal sa pagkatay o pag-uraga ng mga baboy.
Suspetsa ng alkalde na ang pagkakaroon ng sakit ng baboy sa kanilang bayan ay posibleng dahil sa mga itinatapong patay na baboy mula sa ibang mga apektadong bayan na naaanod sa ilog Cagayan sa Naguilian.