Lumagda ng manifesto ang lider ng mga major political parties at blocs sa Kamara para suportahan ang panawagan ni Speaker Lord Allan Velasco na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.
Kabilang sa mga pumirma sa ‘manifesto of support’ ang walong mga liders na sina Majority Leader Martin Romualdez ng LAKAS-NUCD, Deputy Speaker Salvador “Doy” Leachon ng PDP-LABAN, Rizal Rep. Michael John Duavit ng Nationalist People’s Coalition (NPC), Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ng Nacionalista Party (NP), at Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., ng National Unity Party (NUP).
Kasama rin sa lumagda sina Davao City Rep. Isidro Ungab ng Hugpong ng Pagbabago, Deputy Speaker at 1-PACMAN Rep. Michael “Mikee” Romero ng Party-list Coalition Foundation Inc., at Aurora Rep. Rommel Rico Angara na kumakatawan sa independent bloc.
Nakapaloob sa manifesto ang commitment at pangako ng mga political leaders na tanging economic provisions lamang ang tatalakayin sa Charter Change (Cha-Cha) salig na rin sa nakasaad sa Resolution of Both Houses No 2.
Naniniwala rin ang mga mambabatas na makakatulong ang economic Cha-Cha para mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang ekonomiya ng bansa at mga mamamayan laban sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Nanindigan din ang mga kongresista na mananatiling matibay ang posisyon ng Mababang Kapulungan na kapag naamyendahan ang 34 taon na Charter ay magbobotohan ng hiwalay ang Kamara at Senado para rito.
Ang panukalang amyendahan ang Saligang Batas ay isusumite para sa ratipikasyon ng taumbayan na isasabay sa 2022 national election.