Sa tulong ng OFW Party List ay nakauwi na sa Pilipinas ang 8 Overseas Filipino Workers (OFW) na anim na buwang stranded sa Riyadh, Saudi Arabia.
Katuwang ng OFW Party List sa kanilang repatriation ang Department of Migrant Workers, Migrant Workers Office sa Riyadh, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Isang taon at kalahati na nagtrabaho bilang tagalinis ang nabanggit na mga Pilipino sa Riyadh hanggang sa noong November 2022 ay biglaan at ilegal na tinapos ng kompanyang kanilang pinapasukan ang kanilang kontrata.
Bunsod nito ay iginiit ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa DMW na imbestigahang mabuti ang sinapit ng walong OFWs.
Diin ni Magsino, dapat may managot sa kanilang sinapit kaya dapat ikasa ang legal na aksyon o administrative sanctions laban sa recruitment agency na nagpabaya sa kanila.
Sabi ni Magsino, ang kompanya ng naturang mga OFWs sa Riyadh ay dapat pagbawalan na ring kumuha ng mga Pilipinong manggagawa.
Ayon kay Magsino, hindi katanggap-tangap ang walang basehan at ilegal na basta na lang pag-terminate sa kanilang kontrata.