Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang walong suspek sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, karamihan sa mga persons of interest ay sa security o management personnel ng cockpit arenas kung saan nawala ang nasabing mga sabungero.
Aniya, sa oras na makuha nila ang sapat na ebidensya ay hihingin nila ang tulong ng korte para makapaglabas ng warrant of arrest.
Kapag naman mayroon na aniyang warrant ay agad hahanapin ang mga suspek na ito para mabigyang linaw sa mga insidente at maparusahan ang mga responsable.
Nauna nang hiniling ng Senado kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspindehin ang mga operasyon ng E-sabong kasunod ng pagkawala ng ilang sabungero.
Gayunpaman, tumanggi si Pangulong Duterte na suspindehin ito.