Nakalaya na mula sa pang-aalipin ng kanyang mga amo sa Amerika si Nanay Fedelina matapos ang tatlong dekadang pagtitiis.
Ayon sa ulat, 16-anyos pa lamang si Nanay Fedelina na tubong Tacloban Leyte, nang magpasya itong magtrabaho bilang kasambahay sa Manila at nang dalhin ito pa Amerika.
Dito na umano siya nakaranas ng pang-aalipin mula sa buong pamilya ng kanyang naging amo.
Ayon sa Federal Bureau of Investigation (FBI), kalunos-lunos raw ang pinagdaanan ni Nanay Fedelina na naging biktima umano ng human trafficking at pangmamaltrato sa napakahabang panahon.
Sabi ni Consul General Adel Cruz, nagtatrabaho raw ang matanda hindi lamang sa iisang pamilya dahil maging ang mga anak at apo ay inaasikaso at inaalagaan nito.
“So hindi lang yung matanda ‘yung inaalagaan niya kundi pati ‘yung anak, pati ‘yung mga anak ng anak. So pati extended family, she started working and caring for them,” dagdag pa niya.
Samantala, nakaraang taon lamang nang malaman ng awtoridad ang kalagayan ni Nanay Fedelina matapos makipag-ugnayan ang kawani ng isang ospital sa FBI.
Nagbabantay raw noon ng kanyang amo sa ospital si Nanay Fedelina nang bigla itong mawalan ng malay.
Dito na nila nabatid na dalawang araw nang hindi kumakain ang matanda.
Agad namang gumawa ng aksyon ang FBI at nakipag-ugnayan sa Pilipino Workers Center (PWC) upang sagipin ang matanda mula sa kanyang mga amo.
Dahil wala pang sapat na dokumentasyon at impormasyon mula sa pamilya ni Nanay Fedelina, nanatili muna ito sa pangangalaga ng isang home care facility sa Los Angeles.
Ayon kay Cruz, “When PWC identified a home care facility for her, the owners of that health care facility was informed about Fedelina’s ordeal. They offered to give her free board and lodging for as long as she lives.”
Patuloy naman sa pakikipag-ugnayan si Cruz sa Pilipinas para hanapin ang mga kamag-anak ni Nanay Fedelina dahil sa mahabang panahon raw ay wala na itong maalalang kamag-anak maliban sa nagngangalang “Luz Lugasan” na kanya umanong pamangkin.
Giit naman Cruz, “The judge wanted to put the old employer behind bars but the old employer is just two years younger than her, Nanay Fedelina requested otherwise, that she would not be jailed.”
Makakatanggap naman ng 101, 000 dolyar si Nanay Fedelina bilang kompensasyon.