Nakatakdang mamahagi ang learner’s package at internet load ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Makati sa mga estudyante nitong nasa pampublikong paaaralan.
Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, nasa higit 85,000 na mga public school student ng lungsod ang makatatanggap ng learner’s package na naglalaman ito ng isang On-The-Go (OTG) flash drive, printed modules at dalawang washable face masks na nakasilid sa pouch.
Maliban dito, bibigayan din sila ng libreng internet load, limang oras araw-araw ang bawat isa na mag-aaral mula preschool hanggang senior high school.
Bukod sa learner’s package at libreng internet load, matatanggap pa rin ng mga mag-aaral ang kagamitan tulad ng libreng school uniforms, leather shoes, rubber shoes at school supplies.
Dagdag pa ng alkalde, maging ang mga guro ng public schools sa Makati City ay bibigyan ng libreng internet load para sa pagsasagawa ng online activities at sessions.
Matatandaan ang Department of Education (DepEd) ay magpapatupad ng distance learning sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa para sa School Year 2020-2021.
Ito ay kasunod ng paglaganap ng banta ng COVID-19 sa bansa.