9-anyos na Batang abala sa Pagbabasa ng Module, Patay sa Pamamaril

Cauayan City, Isabela- Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang siyam (9) na taong gulang na bata matapos pagbabarilin ng suspek ang kanilang bahay sa Purok 4, Mangcuram, City of Ilagan, Isabela.

Sa nakalap na impormasyon ng iFM Cauayan sa PNP Ilagan, kinilala ang nasawing biktima na si Robin Carl Londonio habang ang suspek ay nakilalang si Jose Baquiran, 60-anyos, biyudo na kapwa residente sa nabanggit na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP Ilagan, abala umanong nagbabasa ng module ang biktima ng bigla na lamang pagbabarilin ang bahay ng pamilya gamit ang isang mahabang uri ng armas subalit tanging ang bata lamang ang nasa loob ng bahay ng mangyari ang insidente.


Saksi rin umano ang tiyuhin ng biktima na si Feliciano Londonio, 33-anyos sa ginawang pamamaril ng suspek at natanong din nito kung anong kasalanan ng pamilya sa kanya subalit itinuloy pa rin nito ang pamamaril sa bahay ng pamilya at tamaan ng bala ng baril ang bata.

Dahil dito, nagtamo ng tama ng bala ng baril sa tiyan ang biktima na dahilan ng kanyang pagkamatay.

Naaresto naman ng mga otoridad ang suspek matapos ang ginawang hot pursuit operation habang inaalam pa ang motibo sa ginawang pamamaril ni Baquiran.

Facebook Comments