Cauayan City, Isabela- Umabot na sa siyam (9) ang naitalang nabiktima ng paputok sa Lalawigan ng Isabela sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. General Jimmy Rivera, PDRRM Officer ng Isabela, nadagdagan ng isa pang biktima ng paputok ang walong unang naitala ng ahensya sa unang araw ng 2022.
Ayon kay PDRRM Officer Rivera, naitala lamang kaninang alas 7:00 ng umaga ang pinakabatang naputukan ng Kwitis na isang 11-taong gulang na lalaki mula sa Brgy. Marabulig, Cauayan City, Isabela.
Mula naman sa walong iba pang biktima ng paputok kahapon, Enero 1, 2022, nakapagtala ng tig-dalawang insidente sa mga bayan ng Cabagan, Echague, Tumauini habang tig- isa naman sa San Pablo at Cauayan City.
Sa siyam na biktima ng mga paputok, pinakamatanda ang 68-anyos mula sa Echague habang pinakabata naman ang 11-anyos sa Cauayan City.
Gayunpaman, nasa maayos na ang kalagayan ng mga biktima matapos silang maisugod sa ospital.
Samantala, naging mapayapa naman ang pagsalubong ng bagong taon sa buong Lalawigan ng Isabela dahil walang naitala na insidente ng sunog maging sa biktima ng stray bullet.