9-M jabs na target sa 3-Day National Vaccination drive, malabong maabot; 2 days extension sa pagbabakuna, pirmado na!

Alanganin nang maabot ang siyam na milyong indibidwal na target sanang mabakunahan sa 3-Day National Vaccination drive.

Ayon kay Department of Health (DOH) Usec. Myrna Cabotaje, posibleng nasa pito hanggang walong milyon lamang ang nabakunahan sa buong bansa sa loob ng tatlong araw na “Bayanihan Bakunahan” na nagsimula noong November 29.

Pero aniya, hinihintay pa nilang dumating ang mga datos mula sa ibang rehiyon.


Bukod dito, ipinagmalaki rin ni Cabotaje na 85% sa mga nabakunahan ay tumanggap ng first dose na malaking bagay aniya para maabot ang target na 54 million fully vaccinated individuals bago matapos ang taon.

“Based sa initial preliminary report, we receive about 2 million so mga 7 to 8 million ang magiging final tally natin,” ani Cabotaje sa interview ng RMN Manila.

“But we are happy with the result, 85% ng mga pumunta sa bakuna center ay first dose. Laking dagdag yan sa mga protektado sa ating komunidad,” dagdag niya.

Kasabay nito, kinumpirma ni Cabotaje na aprubado at pirmado na ang mungkahing i-extend ang national vaccination drive hanggang bukas, December 3.

Pero paglilinaw ni Cabotaje, voluntary lamang ito.

“May pinirmahan na yung ating tatlong secretary, Secretary Duque, Secretary Galvez at Secretary Dizon… voluntary ito. So, yung mga LGU na gusto nilang ma-sustain yung momentum at kaya pa nila yung campaign style ay tuloy-tuloy hanggang December 3,” saad pa ng DOH official.

“Pero hindi rin ibig sabihin na inihinto na natin ang pagbabakuna kasi may mga due ng second dose, may mga pwede nang bigyan ng first dose, pwede nang bigyan ng booster. So, tuloy-tuloy pa rin yan pero hindi ganitong ka-massive,” paliwanag ni Cabotaje.

Kaugnay nito, tiniyak din ni Cabotaje na sapat ang mga bakuna kahit pinalawig ng dalawang araw ang national vaccination program.

“Noong November 26 po nagbaba tayo ng sapat na mga bakuna to cover the initial target na 15 million. Binabaan natin ng 9 million kasi kulang sa hiringgilya tapos may mga pakiusap yung ating ibang lokal na pamahalaan na masyadong mataas yung target, hindi pa nila kaya at kailangang mag-prepare nang husto. So, we have enough vaccines tapos marami pa hong darating this December,” ani Cabotaje.

Facebook Comments