Kinumpirma ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na umaabot na sa siyam na mga madre ng Religious of the Virgin Mary o RVM sa Quezon City ang nasawi dahil sa COVID-19.
Ang siyam na madre na namatay ay nasa edad pitumpu (70) hanggang siyamnapu’t walo (98) taong gulang at mayroong comorbidities.
Ang mga pumanaw ay mula sa St. Joseph Home, isang hiwalay na gusali sa loob ng RVM compound at nagsisilbing tuluyan ng mga nakatatanda at mga mahihina.
Naka-lockdown ang RVM compound mula noong Setyembre 15, 2021 matapos na magpositibo sa COVID-19 ang 62 na mga madre at 52 lay personnel.
Mula sa hanay ng mga madre, dalawa ang gumaling na, 38 ang nakararanas ng mild to moderate symptoms, at 13 ang bilang ng severe.
Patuloy namang mino-monitor ang sitwasyon ng mga apektadong madre at tauhan ng RVM.