Kinumpirma ni PNP Chief General Debold Sinas na ang siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu noong nakaraang taon ay nasa Jolo lang.
Inihayag ito ni PNP Chief matapos na ikasa ang manhunt operation laban sa siyam makaraang iutos ng korte na sila ay arestuhin.
Ayon kay Sinas, sa ngayon ay may mga nakipag-usap na sa kanila na gustong sumuko at tiniyak niya sa mga ito ang kanilang kaligtasan.
Habang sa mga patuloy na nagtatago sa Jolo, siniguro ni Sinas na nagpapatuloy ang manhunt operation ng binuong tracker teams para sila matunton.
Matatandaang Hunyo noong nakaraang taon napatay ng siyam na pulis ang apat na sundalo habang nagsasagawa ng intelligence operation sa galaw ng mga terorista sa Jolo, Sulu.
Agad namang sinibak sa serbisyo ang siyam na pulis matapos ang mga pagdinig dahil sa kasong administratibo.
Nang masibak, pinalaya nila ang mga pulis dahil wala agad nailabas na warrant of arrest ang korte.