Target ng Philippine Statistics Authority o PSA na mabigyan ng National ID ang 90 milyong mga Pilipino na edad 5-taong gulang pataas bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022.
Ito ang inihayag ni Acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget para sa National Economic and Development Authority o NEDA na nagkakahalaga ng ₱11.17 billion.
Sa nabanggit na budget ay ₱8.5 billion ang nakalaan sa mga programa ng PSA kabilang ang National ID registration.
Ayon kay Chua, ngayong taon ay 9 milyong mga Pilipino ang target na mairehistro ng PSA sa National ID System kung saan ang 5 milyon dito ay nabibilang sa low income households.
Sa susunod na taon naman ay inaasahang 45 milyong mga Pilipino ang mairerehistro kung saan kasama ang 10 milyong heads ng low-income households, habang sa taong 2022 naman irerehistro ang dagdag pang 42 milyong mga Pilipino.
Nabanggit din sa Senate hearing na ang National ID na inaasahang magiging digital kalaunan ay magagamit sa pagbubukas ng bank account para sa ayuda na ibibigay ng gobyerno sa 14.8 milyong mga mahihirap na pamilya.