95th IB, Sinangga ang Akusasyon ng NPA

*Cauayan City, Isabela- *Kinontra ng 95th Infantry Battalion ang paratang ng Reynaldo Piñon Command (RPC) ng New People’s Army na sila ang may pakana sa pagpatay sa isang Brgy. Tanod ng Brgy. Del Pilar, San Mariano, Isabela.

Sa naging panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay LTC Gladius Calilan, pinuno ng 95th Infantry Battalion ng 502nd Brigade ng 5th ID, Philippine Army, isa aniya itong malaking kasinungalingan at desperadong galaw ng mga NPA at pinipilit lamang na siraan ang kasundaluhan.

Magugunita na noong gabi ng September 11, 2019 ay pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan ang mag-asawang sina Sammy Puhayon, 37 anyos, Brgy Tanod at Phyliz Puhayon, 25 anyos, habang sila ay nasa loob ng kanilang bahay.


Nasawi si Sammy Puhayon sa insidenteng ito at kasalukuyang nasa ospital naman ang kanyang may-bahay.

Naunang nagpalabas ng pahayag ang RPC na sila umano ay nakikidalamhati sa pamilyang namatayan at kanilang kinokondena ang nangyaring pamamaril.

Ayon sa pahayag ng RPC, nilapastangan umano ng mga tropa ng 95th IB ang katiwasayan at kaayusan ng pamumuhay ng mga residente ng Brgy Del Pilar sa nasabing bayan dahil sa nangyaring insidente.

Naniniwala ang RPC na kagagawan umano ng militar ang pamamaslang kay Puhayon.

Nilinaw naman ni LTC Calilan na hindi nila kilala si Puhayon at maihahalintulad na rin aniya ang sinapit ng Tanod sa mga nangyaring pagpatay sa ilang indibidwal na inako rin ng mga NPA.

Idinagdag din ni Calillan na may mga ilang pagpatay na naitala sa lugar na kagagawan ng mga rebelde.

Kaugnay nito ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng kapulisan maging ang kanilang tropa kaugnay sa insidente.

Facebook Comments