Cauayan City, Isabela- Pumalo ng 97,000 Pamilya ang hindi naayudahan sa ilalim ng Social Amelioration Program ng pamahalaan sa kabila ng umiiral na krisis dahil sa COVID-19.
Ayon kay Regional Information Officer Jeaneth Lozano ng DSWD Region 2, patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga listahan ng mga ‘leftout’ beneficiaries o mga kwalipikadong pamilya subalit hindi naayudan ng pamahalaan.
Giit ni Lozano, patuloy na hinahanapan ng pondo ang mga nasabing bilang upang mabigyan ng ayuda.
Kaugnay nito, 15 bayan sa kabuuang 93 LGU ang nakakapagbigay pa lamang ng mga kumpletong dokumento sa ilalim ng programa.
Samantala, hinihintay pa rin ng ahensya ang pagbaba ng pondo para sa ikalawang tranche maging ang guidelines para sa pagpapatupad nito.
Paglilinaw din ni Lozano na ang mga nakalista sa unang bugso ng ayuda at sa pagbibigay ng ikalawang ayuda ay dapat iisa lang ang taong nakapangalan dahil ito lang aniya ang tatanggap ng tulong pinansyal sa pamahalaan.