BFAR REGION 1 AT PHILIPPINE ARMY, PINAIGTING ANG UGNAYAN PARA SA SUPORTA SA MGA MANGINGISDA

Pinaigting ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 1 at ng 4th Special Forces (Mabangis) Company ng Philippine Army ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pormal na paglagda ng Memorandum of Agreement upang mas mapalakas ang suporta sa mga komunidad ng mangingisda sa buong rehiyon.

Layunin ng kasunduan na pagtibayin ang sama-samang hakbang sa pagpapalawak ng kaalaman sa pangingisda, pangangalaga sa yamang-dagat, disaster response, tamang pamamahagi ng impormasyon, at iba pang community-based initiatives, lalo na sa post-disaster rehabilitation at development programs para sa mga mangingisda.

Sa aktibidad, inilahad ng 4th Special Forces Company ang resulta ng kanilang needs assessment mula sa 10 lokal na organisasyon ng mangingisda sa Ilocos Norte at 29 sa Ilocos Sur, na isinagawa noong 2025 bilang bahagi ng post-typhoon crisis response ng unit.

Ayon sa BFAR Region 1, unang susuriin ng tanggapan ang ipinasa na datos upang matiyak kung ang mga naitalang organisasyon ay nakatanggap na ng tulong mula sa ahensya noong 2025, kasabay ng iba pang rehabilitation initiatives para sa mga mangingisda sa rehiyon.

Nagpapatuloy naman ang tanggapan sa paglulunsad ng mga programa para sa epektibong pagbibigay ng tulong sa mga coastal communities, lalo na sa panahon ng kalamidad at rehabilitasyon.

Facebook Comments