Manila, Philippines – Inihayag ni Presidential Adviser on the Peace Process Secretary Jesus Dureza na dahil hindi muna matutuloy ang resumption ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines, News Peoples Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF ay maaari paring arestuhin ang mga lider at consultants ng rebeldeng grupo na mayroong mga nakapatong na warrant of arrest.
Sa briefing ni Dureza sa Malacanang kanina ay sinabi nito na ito ang resulta ng nabalam na pagsisimulang muli ng peace talks kaya maaari paring dakipin ng mga otoridad ang mga NDF Consultants sa oras na matunton ang mga ito ng mga otoridad.
Sinabi din nito na hindi naman humihinto ang operasyon ng Pamahalaan para hanapin ang mga ito sa kabila ng back channeling talks ng pamahalaan at rebelde.
Bukas aniya ay pupunta sa Norway ang mga kinatawan ng government peace panel para ipaliwanag sa panig ng NDF ang nabagong time line ng resumption ng peace talks.