Abandonadong Gamit ng mga Rebelde, Narekober ng Militar

Cauayan City, Isabela- Nadiskubre ng kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion ang ilang mga gamit ng mga rebeldeng NPA na inabandona sa pagitan ng Barangay Tetep-ab Norte, Sagada at Barangay Dalican, Bontoc, Mt. Province.

Bunga ito ng pakikipagtulungan ng mga dating rebelde at mga residente sa lugar na kung saan tumambad sa mga sundalo ang mga gamit ng mga kasapi ng Komiteng Larangang Gerilya (KLG) Ampis ng teroristang CPP-NPA tulad ng ibat-ibang parte ng baril at improvised na bandolier, mga kagamitang may marking Front Operational Command – Alfredo Ceasar Junior Command na bahagi ng Komiteng Larangang Gerilya-Southern Ilocos Sur (KLG-SIS), mga damit na mayroong tatak ng Chadli Molintas Command ng NPA Ilocos-Cordillera, dalawang (2) libro na naglalaman ng mga aral ukol sa rebolusyonaryong pakikidigma, dalawang (2) piraso ng wire na may tig-25 metrong haba, tatlong (3) duyan, kumot, mga trapal, mga radyo, powerbank, mga flashlight, extension cord, limang (5) bag pack, at mga gamit pang medikal.

Ayon sa mga rebel returnee at mga residente sa lugar, nasa isa hanggang dalawang buwan na ang lumipas nang iwanan ng mga NPA ang kanilang mga gamit matapos na umaklas sa teroristang kilusan ang karamihan sa mga miyembro.


Inihayag din ng mga dating rebelde na patuloy ang paghina ng pwersa ng NPA sa lugar dahil itinakwil na sila ng mga dating sumusuporta sa probinsya ng Ilocos at Mountain Province.

Samantala, patuloy namang hinihikayat ni MGen Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, ang mga natitira pang miyembro ng teroristang grupo na huwag ng mag alinlangang magbalik-loob sa pamahalaan lalo’t wala na rin aniyang puwang ang mga NPA ngayon sa lipunan.

Facebook Comments