Arestado ang isang abogado at dalawa pang kasamahan matapos ang tangka umanong panunuhol sa mga pulis para makalaya ang kliyenteng Chinese na umano’y sangkot sa human trafficking.
Dalawang Chinese ang hinuli nitong Miyerkules dahil sa pambubugaw umano ng mga Vietnamese sa mga tauhan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Kinilala ang abogado na si Joselito Vasquez, kasama nitong si Huang Xiangfei, Chinese national, at Meljohn Palma, driver na naghatid ng perang panuhol.
Nadakip ang tatlo sa isinagawang entrapment operation sa Regional Special Operations Unit (RSOU) office ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, alas-2 ng madalign araw, Biyernes.
Ayon kay Eleazar, lumapit ang si Vasquez sa hepe ng RSOU, Huwebes ng gabi para mag-alok ng P2 milyon kapalit ng paglaya ng dalawang Chinese.
Bumalik ang abogado, Biyernes, dala ang P1 milyon, saka sila hinuli ng pulisya.
Nakumpiska rin ang dagdag na P200,000 sa driver.
Nasa kustodiya na ng RSOU ang mga suspek na nahaharap sa kasong attempted bribery o corruption of public officials.