Binalaan ng abogado ng isa sa suspek sa Degamo slay na si Atty. Reynante Orceo ang abogado ng mga Degamo sa nabanggit ding kaso na si Atty. Levito Baligod na maghinay-hinay sa mga nagiging pahayag nito.
Ayon kay Orceo, may bago nang professional code of conduct ang mga katulad nilang abogado dahilan kaya dapat mag-ingat si Baligod sa mga pananalita nito.
Matatandaan na naging komento ni baligod na may isang dating Department of Justice (DOJ) executive ang nakikialam sa mga hakbang ng National Bureau of Investigation (NBI) para manahimik at hindi makipag-cooperate sa kanila ang mga witness o suspects.
Giit ni Orceo, hindi siya sigurado kung siya ang pinatutungkulan ni Baligod dahil dati siyang undersecretary ng DOJ pero naging maayos naman ang kaniyang trabaho.
Dagdag pa ni Orceo, hindi makatwiran na ungkatin ang pagiging dati niyang opisyal ng DOJ para idawit sa kinakaharap na kaso ng kaniyang kliyente na si Marvin Miranda.
Ang naging pahayag ni Atty. Orceo ay kasunod ng hindi natuloy na arraignment ng kaniyang kliyente matapos silang maghain mg motion to quash kasama ang ibang abogado ng mga itinuturong suspek sa Degamo killing.