Nanindigan ang abogado ng pamilya ng pinaslang na transgender woman na si Jennifer Laude na hindi magiging sapat sakaling humingi ng kapatawaran si Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong ipagkaloob ng absolute pardon kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon Atty. Virginia Lacsa Suarez, nararapat lamang na makatanggap ang pamilya Laude ng apology mula kay Pemberton na siyang pumatay kay Jennifer noong 2014.
Ang buong sambayanang Pilipino ay nararapat ding makatanggap ng apology mula kay Pangulong Duterte.
Ipinunto pa ni Suarez na ang pardon ay ibinigay sa araw kung saan sinimulan na ng Olongapo City Court ang pagdinig sa motion for reconsideration na kumukwestyon sa inilabas nitong release order.
Lumalabas lamang aniya na simula’t sapul ay hindi nagkaroon ng kustodiya ang Pilipinas kay Pemberton.
Naalala rin ni Suarez noon na ang mga korte at maging ang mga police ay nahihirapang magsilbi ng summon, notices at iba pa kay Pemberton.