
Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na may ilang tanong ang mga senator-judge sa impeachment trial na wala nang kaugnayan sa mga pangunahing isyung dinidinig ng Senate impeachment court.
Ayon sa abogado ng bise presidente na si Atty. Paolo Panelo, hindi mahalaga kung hindi na matandaan ng ilang testigo ang mga detalye ng mga pangyayaring naganap maraming taon na ang nakalipas, dahil aniya ay wala itong direktang kaugnayan sa mga isyung tinatalakay sa kaso.
Ipinaliwanag din ni Panelo na ang isyu sa salary differential na natanggap ni Vice President Duterte ay hindi umano double compensation, kundi bayad para sa salary differential bilang alkalde ng Davao City noong 2021 at 2022.
Binigyang-diin pa niya na ang pangunahing usapin ay kung mayroon bang mga ari-ariang hindi idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng Bise Presidente.
Aniya, naipaliwanag na ng mga testigo ang isyung ito at wala umanong naipakitang ebidensiya na may hindi idineklarang mga ari-arian.
Sinabi rin ni Panelo na dapat umanong nakatuon lamang ang mga tanong ng mga senador sa mga isyung may direktang kaugnayan sa impeachment case upang maging maayos at makabuluhan ang pagdinig.










