
Umaasa si Senate Impeachment Court presiding officer Chiz Escudero na matatapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago ang Pasko o ang Bagong Taon.
Ayon kay Escudero, kung siya ang tatanungin ay gugustuhin niyang matapos na ang paglilitis bago mag-Pasko o Bagong Taon, kahit sino man ang manalo o matalo rito.
Ito aniya ay para may bagong yugto na ang kakaharapin ang Senado at hindi na balikan ang impeachment trial sa 2027.
Nais ni Escudero na sinuman ang manaig sa impeachment trial ay malampasan at matapos na nila ang paglilitis ngayong taon upang sa gayon ay bagong hamon na ang kanilang aatupagin.
Nilinaw naman ng presiding officer na walang sinusunod na schedule o takdang panahon ang impeachment court kaya hindi pa rin masasabi kung kailan ang eksaktong petsa na matatapos ang trial dahil nakadepende pa rin ito sa mga ebidensyang ilalatag ng depensa at sa itatakbo ng paglilitis.










