Cauayan City, Isabela- Namahagi ng tulong ang National Commission on Indigenous People (NCIP) sa pangunguna ni Ms. Divine L Acoba RN II, OIC ng NCIP District II sa mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na kasalukuyang nasa Farm Ville sa loob ng kampo ng 5ID sa Upi, Gamu, Isabela.
Masayang tinanggap ng mga dating rebelde na kabilang sa Salaknib Former Rebels Integrated Farmers Association (SARIFA) ang tulong mula sa NCIP tulad ng ng libreng binhi ng Mais, Abono at mga kagamitang pansaka gaya ng Pala at Panabas.
Pinangunahan ni Major Oscar Blanza, Executive Officer ng 95th Infantry Battalion ang pamamahagi ng nasabing tulong kasama ang presidente ng asosasyon na si Ginoong Alberto Estaquio na dating mataas na lider ng NPA.
Malaki naman ang pasasalamat ni Ginoong Estaquio sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan sa walang sawang pagbibigay ng tulong at suporta sa mga NPA na nagbalik-loob sa gobyerno.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Maj. Blanza, ang tulong na natanggap ng mga dating rebelde mula sa NCIP ay bukod pa sa mga tulong na ibinibigay ng ibang ahensya ng gobyerno.
Muli namang nanawagan ang opisyal sa mga natitira pang miyembro ng NPA na bumaba at sumuko sa pamahalaan upang mamuhay ng payapa at matamasa rin ang mga tulong ng gobyerno para sa kanilang pagsisimula at pagbabagong buhay.