Tumanggap ng kabuuang ₱2.4 milyong livelihood assistance ang 60 indibidwal sa Infanta, Pangasinan bilang bahagi ng special project sa ilalim ng Graduation Approach ng Department of Labor and Employment Regional Office 1.
May kabuuang pondong ₱2,494,898 ang inilaan para sa programa na naglalayong itaguyod ang tuloy-tuloy at napapanatiling pagkakakitaan ng mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor.
Kabilang sa mga ipinagkaloob na proyekto ang food production at processing gaya ng bread and pastry production, baking starter kits, pagpapalakas ng operasyon ng carinderia, fish processing tulad ng smoked at boneless bangus, at Negokart o street foods project.
Mayroon ding suportang inilaan para sa agricultural at livestock ventures tulad ng farm inputs, backyard swine production, at goat raising.
Tinulungan din ang mga benepisyaryo sa skilled trades at technical services gaya ng welding, iron works, at equipment upgrading para sa patotoy production, pati na sa micro-enterprises at community-based services tulad ng home service hair salon, sewing and repair, souvenir making, at talipapa enterprise project.
Ayon sa DOLE, layunin ng programa na mapalakas ang kita ng bawat pamilya, masuportahan ang micro-entrepreneurship, at maisulong ang pangmatagalang katatagan sa kabuhayan sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










