WATER BILL NG ISANG RESIDENTE SA MANGIN, DAGUPAN CITY, LUMOBO SA P5,000 SA LOOB NG ISANG BUWAN

Nagulantang ang isang residente sa Mangin, Dagupan City sa paglobo ng kanyang bayarin sa tubig na hindi lamang times 10, kundi times 20 ng karaniwan umano nitong binabayaran, sa loob lamang ng isang buwan.

Dumulog sa IFM News Dagupan si Jerry Fernandez, dahil sa napakalayong pagkakaiba ng bayarin nito mula sa P200 pataas kada buwan, ay umabot umano ito sa P5,000 sa pinakahuling reading ng water service provider.

Isa sa pinaghinihinalaan nitong dahilan ay ang relokasyon ng linya ng kanilang tubig o hindi kaya ay umano’y leakage sa linya.

Samantala, sa panayam sa pamunuan ng PAMANA Water District, nang ilipat umano ang linya ng tubig ng nasabing konsyumer ay maayos naman umano ito at tiniyak nila na walang leakage ang nasabing linya.

Agad din umano ang aksyon ng kanilang tanggapan sakaling may reklamo ng tagas sa mga linya ng tubig sa mga konsyumer.

Anila, nasa 220 metro rin ang distansya ng bahay ni Fernandez, kaya medyo may kalayuan din umano ito mula sa main line ng tubig.

Sa muling panayam kay Fernandez, tanggap na umano niya ang libo-libong bayarin sa tubig, ngunit problema niya umano ngayon ang pambayad para rito lalo at siya ang breadwinner ng kanilang pamilya.

Panawagan nito na matulungan upang masolusyonan ang problema. Sa mga nais magpa-abot ng tulong kay Fernandez, maaring makipag-ugnayan sa numero 0946-967-6455. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments