Hindi inaasahan ng ilang beachgoers sa Tondaligan Beach, Dagupan City, ang pagkakatagpo sa abot 30 piraso ng ahas-dagat sa dalampasigan, isang uri ng mga ito ay ang makamandag na spine-bellied sea snake.
Sa pakikipag-ugnayan sa kumuha ng larawan, muntik na niyang matapakan ang mga ahas-dagat na nasa mababaw na bahagi ng baybayin habang inaabangan ang sunset. Kuryoso sa mga ito, kinuhanan niya ng larawan sa pag-aakalang hindi mapanganib ang naturang species.
Pagsasalaysay niya, nasa tatlumpung piraso ng iba-ibang uri ng ahas dagat ang natagpuan nila ngunit bigong makumpirma ang ilan sa mga ito.
Tinukoy naman ng Philippines Snake Identification bilang spine-bellied sea snake o Hydrophis curtus ang mga nakuha sa larawan, isang uri ng makamandag na ahas-dagat na karaniwang matatagpuan sa mga karagatan ng Timog-silangang Asya, kabilang ang Pilipinas.
Tinawag itong “spine-bellied” dahil sa matitigas at bahagyang matutulis na kaliskis sa tiyan na tumutulong sa paggalaw at pagkapit sa ilalim ng dagat. Bagama’t taglay nito ang malakas na lason, bihira itong umatake sa tao at nagiging agresibo lamang kapag ginulo o nahawakan.
Nakatakda pang kapanayamin ang awtoridad sa posibleng dahilan kaya nagkalat ang mga ahas-dagat sa baybayin.
Samantala, pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga mangingisda at manlalangoy, na iwasang lapitan ang anumang ahas-dagat na mamataan at agad ipagbigay-alam sa mga kinauukulang awtoridad para sa kaligtasan ng lahat.










