Pansamantala na ring ititigil ng ABS-CBN ang pagpapapasok ng live studio audience sa ilang palabas, bilang pag-iingat sa pagkalat ng 2019-novel coronavirus (COVID-19).
Sa opisyal na pahayag ng giant network, simula ngayong Lunes, Marso 10 ay wala na munang live audience ang It’s Showtime, ASAP Natin ‘To, Magandang Buhay, Banana Sundae, I Can See Your Voice, at iWant ASAP.
“The safety and well-being of our studio audience, artists, crew, and production teams are of utmost importance to us and we are taking this option for their protection,” saad ng network.
“We feel that it is our shared responsibility to help in preventing the spread of the COVID-19,” hayag pa nila.
Noong Lunes nang ianunsyo rin ng Kapuso noontime show Eat Bulaga na hindi muna sila tatanggap ng live studio audience sa parehong dahilan.
Kasunod ito ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng state of public health emergency matapos na umakyat sa 24 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa.