*Cauayan City, Isabela- *Inireklamo ng 28 empleyado ng ECC Enjoy Shopping Corporation ang kanilang manager dahil sa umano’y hindi nito pagbibigay ng tamang pasahod, 13th month pay at overtime pay.
Sa mismong pagtungo at paglalahad ng mga nagreklamo sa himpilan ng RMN Cauayan, kanilang sinabi na hindi pa umano naibibigay ang kanilang 13th month pay ng kanilang manager na si Anthony Sy, isang Chinese National na pansamantalang naninirahan sa Rizal Avenue, District 3 Cauayan City, Isabela habang ang may-ari ng kumpanya ay kinilalang si Michael Cu.
Hindi rin umano naibigay ang kanilang overtime pay, holiday pay at ang kanilang sahod mula December 16, 2018 hanggang December 31, 2018.
Bukod pa rito ay hindi rin umano naihuhulog ang kanilang kontribusyon sa Philhealth, SSS, at PAG IBIG at mayroon pa umanong ipinapirmang tseke sa ilang empleyado na umano’y bayad nila subalit ni piso umano ay wala silang natanggap.
Batay sa kwento ng mga nagreklamo ay pinirmahan na lamang ang tseke dahil na rin umano sa pananakot ng kanilang boss na matatanggal sila sa trabaho kung hindi pipirma.
Sinubukang kuhanin ng RMN Cauayan ang panig ng manager subalit tumanggi itong magbigay ng kanyang pahayag.
Samantala, naidulog na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasabing hinaing upang matutukan ang isyu.