Ibinasura ng Department of Education (DepEd) ang panawagan na academic break kasunod ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Education Usec. Diosdado San Antonio, hindi naman kailangang itigil ang pagkatuto.
Aniya, ang kailangan ay mas maging considerate tayo sa mga sitwasyon ng bawat bata.
Iginiit din ni San Antonio na hindi dahilan ang kawalan ng gadget para suspendehin ang klase dahil mayroong printed self-learning materials.
“Alam naman natin iba-iba iyong paraan ng pagpapatuto sa mga bata. Puwede pa rin po iyong printed self-learning modules ang gamitin at may mga paraan din po para makapagpaabot sila ng kanilang natutunan sa mga guro natin na nailimbag lang po,” ani San Antonio.
Kasabay nito, nagpaalala naman ang kagawaran sa mga guro na huwag maging istrikto sa deadline ng mga gawain at unawain ang mga estudyante.
Mababatid na nakatakdang magtapos ang kasalukuyang academic year sa Hulyo 10.