
Nakakuha ang Pilipinas ng 10-milyong dolyar mula sa Adaptation Fund para sa climate resilience project sa Tawi-Tawi.
Layon nitong matugunan ang lumalalang hamon sa supply ng malinis na tubig, lalo na sa mga lugar na-bulnerable sa epekto ng pabago-bagong klima.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa higit 71,000 residente sa probinsya ng Tawi-Tawi ang inaasahang makikinabang sa development funding na natanggap ng Pilipinas mula sa multilateral agency na adaptation fund.
Gagamitin ang grant para tulungan ang mga bayan ng Sibutu at Sitangkai na makaagapay sa lumalalang epekto ng climate change.
Batay sa Mindanao Development Authority (MDA), kabilang sa paggagamitan ng pondo ang programa para sa pagpapabuti ng access sa ligtas na tubig ng mga residente, at bilang suporta sa lokal na industriya ng seaweed.
Ito ang unang beses na nakatanggap ang bansa ng development funding mula sa nasabing ahensya.









