
Pinasusuri at pinarerepaso na ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang disability discharge policies ng ahensya.
Ayon kay acting PNP Chief, parte ito ng isinasagawang internal reforms ng organisasyon para matiyak na ang mga personnel na nagtamo ng pinsala ay makakatanggap ng pagkilala, tamang benepisyo at pagkakataong magpatuloy sa serbisyo kung kakayanin pa.
Matatanto na nagkaroon ng pahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa viral video ng isang Army captain na nabulag matapos masabugan.
Kung saan inatasan ng pangulo ang Deparment of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na repasuhin at suriin ang kani-kanilang disability discharge policies.
Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez na magsagawa ng audit sa kasalukuyang proseso ng disability discharge ang Health Service at ang Directorate for Personnel and Records Management ng PNP .
Bukod dito, ay inutusan din nya ang iba’t ibang yunit ng ahensya na tukuyin ang mga administrative, technical, at support roles na maaaring ipagkaloob sa mga pulis na hindi na fit for field deployment ngunit may kakayahan pang magbigay ng serbisyo.
Patuloy namang pinalalakas ng PNP ang mga welfare program nito para magbigay suporta sa mga kapulisan sa buong bansa.









