Manila, Philippines – Hindi ngayon masabi ng Palasyo ng Malacañang kung kaya bang tuldukan talaga ng administrasyong Duterte ang problema sa iligal na droga ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, sakali mang matapos na ang termino ni Pangulong Duterte at mayroon paring problema ng iligal na droga sa bansa ay hindi ibig sabihin nito ay bigo si Pangulong Duterte sa kanyang adbokasiya.
Paliwanag ni Abella, sadyang malawak, malalim at komplikado ang problema sa iligal na droga sa bansa.
Ang gusto lamang aniyang sabihin o ibahagi ni Pangulong Duterte ay ang kahalagahan ng pagkakaisa ng gobyerno at ng mamamayan para maging matagumpay sa paglaban sa malaking problema sa iligal na droga.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na mas marami ang napagtagumpayan ng kanyang administrasyon sa paglaban sa iligal na droga sa isang taon kung ikukumpara sa mga napagtagumpayan sa buong termino ni dating Pangulong Noy-Noy Aquino.