Nagretiro na ngayong araw si Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Joel Garcia matapos ang 35 taon sa serbisyo.
Sa ilalim ng pamumuno ni Garcia, marami itong nagawang pagbabago sa PCG kabilang dito ang Safety, Security, and Environmental Numbering System na isang database para sa mahigit 200 libong registered vessels sa iba’t ibang pantalan sa bansa.
Malaking tulong ito sa pagsusulong ng Maritime Law Enforcement, Security, Safety, at Environmental Protection kung saan mas pinadali rin ni Garcia ang sistema para mas mapalakas ang pagbabantay sa mga baybayin laban sa illegal drug smuggling, transportation, at transshipment.
Dahil rin sa pinalakas na PCG Task Force Aduana ay nadiskubre sa tulong ng Bureau of Customs (BOC) ang milyon milyong halaga ng smuggled goods at medical supplies sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim din ng pamumuno ni Garcia ay naging malaki ang kontribusyon ng PCG sa pagtulong sa panahon ng kalamidad gaya noong pumutok ang bulkang taal at paglaban sa COVID-19 kung saan tumutulong ang mga tauhan ng PCG.
Sa pagreretiro ni Garcia, may 3 kandidato naman na inirekumenda kay Pangulong Duterte para mamuno sa PCG.
Ito ay sina Vice Admiral Leopoldo Laroya, Vice Admiral George Ursabia Jr., at Rear Admiral Jose William Isaga.
Si Laroya ay kasalukuyang Deputy Commandant ng PCG, habang si Ursabia naman ang Commander ng PCG – Marine Environmental Protection Command habang si Isaga naman ang acting Chief of Coast Guard Staff at Commander ng PCG District Southwestern Mindanao.