Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines na isang uri ng babala ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na paguutos sa mga nasa unipormadong hanay na pag-aralan ang proseso ng Assassination o walang habas na pagpatay
Ito’y sa harap na rin ng sunud-sunod na pag-atake ng mga NPA o New People’s Army partikular na sa mga tropa ng Pamahalaan mula nang tuldukan ng Pangulo ang Usapang Pangkapayapaan
Ayon kay AFP Spokesman B/Gen. Edgard Arevalo, taos puso ang kanilang pasasalamat sa Pangulo dahil sa pagmamalasakit nito sa mga Sundalong humaharap sa peligro at nakikipagbakbakan sa mga Komunista araw-araw
Sa kabila aniya na wala namang banta sa seguridad ng mga Sundalo mula sa SPARU o Special Partisan Unit ng NPA lalo na sa mga naka- off duty, sinabi ni Arevalo na mananatili ang kanilang pagiging alerto.
Mahigpit aniya nilang tinututukan ang galaw ng mga rebelde partikular sa kabundukan at maging sa kapatagan katuwang ang Pambansang Pulisya para magkasa ng isang lehitimong operasyon na hindi limitado lang sa mga SPARU Unit
Samantala, iginiit naman ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac na mananatili ang kanilang Police Operational Procedures sa kanilang pagharap sa mga Rebelde kasabay ng mga ikinakasang localized peacetalks para mahikayat ang mga ito na magbagong buhay at magbalik loob sa gobyerno.