Nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay na hindi niya sinasabi na nagtuturo ng radikalismo o nagkakalat ng terorismo ang mga Madrasah o Muslim schools.
Paliwanag ni Gen. Gapay na ang ibig niyang sabihin sa kanyang unang sinabi na babantayan ng militar ang mga Madrasah, ay dahil posibleng may mga indibidwal na nais pasukin ang mga paaralang ito para makapaghasik ng terorismo.
Ayon kay Gapay, ginawa niya ang paglilinaw dahil maaaring nakasakit siya ng damdamin ng mga Muslim leaders, brothers at sisters sa kanyang unang pahayag, na hindi niya intensyon.
Gusto lang daw ng AFP na protektahan ang mga paaralan at iba pang vulnerable sector mula sa radicalization.
Kasabay nito, humiling naman si General Gapay sa mga Muslim leaders na makipag-dayalogo sa AFP dahil iisa lang aniya ang kanilang hangad at ito ay mapanatiling ligtas ang bansa mula sa terorismo.
Panawagan rin ni Gapay sa lahat ng mga school administrators, at ahensya ng gobyerno tulad Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at National Housing Authority (NHA) na makiisa sa AFP sa pagtugon sa mga isyu na posibleng i-exploit ng mga terrorist recruiters para i-radicalize ang mga estudyante.