
Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang anumang hakbang upang higpitan ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga sibilyan, kabilang ang pamilya ng mga sundalo, sa social media.
Sa inilabas na pahayag ng AFP, walang anumang patakaran o kautusang naglilimita sa karapatan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang opinyon.
Sa katunayan, binigyang-diin ng AFP na nananatili silang tagapagtanggol ng kalayaan ng bawat Pilipino.
Sa kamakailang pagbisita ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., sa iba’t ibang units ng militar, nilinaw ng AFP na nakatuon lamang ito sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng propesyonalismo at disiplina sa kanilang hanay.
Samantala, bagama’t suportado ng AFP ang kalayaan sa pagpapahayag, nananawagan ito ng responsableng paggamit ng social media upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon o fake news.