
Ikinukonsidera na ngayon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang pagtatago o hindi pagsuko sa mga awtoridad sakaling arestuhin na siya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Dela Rosa, kasama sa mga “courses of actions” na posible niyang gawin sakaling maisyuhan na siya ng warrant of arrest ng ICC tulad ng mga ginawa noon ni dating Senator Panfilo Lacson at dating Senator Gringo Honasan.
Binigyang-diin ng mambabatas na kung wala siyang makitang hustisya rito sa bansa ay bakit siya susuko sa mga awtoridad.
Pero sa ngayon ay nakaantabay muna si Dela Rosa sa magiging desisyon ng Korte Suprema at kung makitaan niya ng kaunting pag-asa ay saka siya magdedesisyon kapag nangyari ito.
Isa ang mahabang panahon na pagtatago sa Senado sa ikinukonsidera ni Dela Rosa at aniya, wala rin namang magagawa si Senate President Chiz Escudero sakaling gawin niya ito.
Magkagayunman, sinabi ni Dela Rosa na depende pa rin sa magiging sitwasyon kung dapat na ba siyang umalis sa Mataas na Kapulungan o hindi.
Matatandaang naunang sinabi ng senador na handa siyang magpa-aresto sa ICC sakaling isyuhan na siya ng warrant of arrest at sasamahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague.