AFP, nanindigang dapat manatili sa kanilang kustodiya ang mga kadeteng sangkot sa pagkamatay ni Cadet Darwin Dormitorio

Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dapat manatili sa kanilang custody ang mga kadete na sangkot sa hazing na ikinamatay ni Philippine Military Academy Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ito ay matapos na maglabas ng kautusan ang Baguio Regional Trial Court na ilipat sa Baguio City Jail ang mga suspek na sina Cadet 3rd Class Shalimar Imperial, Felix Lumbag at Julius Tadena.

Ayon kay AFP Spokesperson Major Gen. Edgard Arevalo, nang isilbi ang arrest warrant laban sa mga suspek, nakapiit na ang mga ito sa Camp Aguinaldo at humaharap sa General Court Martial.


Pinaliwanag na ng AFP sa korte na ang militar ay may hurisdiksyon sa mga suspek dahil sa kasong kinakaharap nila sa military justice system at ipiprisinta na lang sa korte kung kailan kailangan.

Sinabi pa ni Arevalo, may pending petition ang AFP sa korte na manatili sa kanilang kustodiya ang mga suspek.

Aniya, habang wala pang desisyon ang korte kaugnay ng kanilang petisyon ay mananatiling nakakulong sa Camp Aguinaldo ang mga suspek.

Facebook Comments