Itinatanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang alegasyong ginagamit nilang trophy ang bangkay ng New People Army (NPA) combatant na napapatay sa mga engkwentro.
Ito ay matapos na ilabas ng AFP ang larawan ng bangkay ng NPA terrorist na anak ni Bayan Muna Representative Eufemia Cullamat na si Jevilyn Cullamat.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, ang pagkuha ng larawan sa bangkay ay para sa documentation process na inoobligang ipagawa sa tropa sa field pagkatapos na engkwentro.
Wala aniyang intensyong bastusin ang bangkay nang NPA combatant lalot hindi kilala ng mga sundalo sa field kung sino ang NPA napapatay sa engkwentro.
Natutukoy lamang daw ng mga sundalo ang pagkakakilanlan ng mga namatay na NPA kapag naibaba na ito mula sa bundok kung saan nangyari ang encounter at kapag nakapagsagawa na ng imbestigasyon.
Giit ni Arevalo, wala sa policy ng AFP ang magpakalat ng larawan para magsilbing trophy katulad ng mga alegasyon.
Kanina una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pag-aaralan nila ng AFP kung paano mapapangalaan ang dignidad ng ng mga nasasawing NPA combatant lalo’t alam niyang may mga pamilya rin ang mga ito.