Kasado na ang gagawing state burial para sa yumaong dating Pangulong Fidel V. Ramos bukas, August 9, sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.
Ayon kay Philippine Army Spokesperson Col. Xerxes Trinidad, isang battalion-sized contingent ng honor guards ang mangunguna sa funeral departure honors sa namayapang pangulo sa Heritage Park.
Sasamahan din ng mga sundalo ang convoy ng dating first family at iba pang VIP guests patungong Libingan ng mga Bayani.
Habang ang pangalawang battalion-sized contingent naman ang magbibigay ng funeral arrival honors sa labi ng dating pangulo pagdating nito sa Libingan ng mga Bayani.
At mayroon ding honor guards na sasali sa composite team sa gagawing funeral march patungo naman sa inurnment site.
Sinabi pa ni Col. Trinidad na isang full military honors ang igagawad sa dating commander in chief at 21-gun salute pagkatapos naman ng state funeral.
Paliwanag ni Trinidad na magiging simple ang seremonya batay na rin sa kahilingan ng pamilya Ramos kung saan hinihikayat ang mga dadalo na magsuot ng puti.
Kasunod nito, mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum public health protocols dahil sa nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.