Siniguro ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na makikipagtulungan sila sa Bureau of Corrections (BuCor) para sa pagpapalaya kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos na ipag-utos ng korte.
Si Pemberton ay nakakulong ngayon sa custodial facility sa Camp Aguinaldo matapos na mapatay ang transgender na si Jennifer Laude noong 2014.
Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, ang BuCor ang dapat na mag-comply sa utos ng korte.
Ito ay dahil may Memorandum of Agreement lang naman ang AFP at BuCor na tanging custodial facility ang ipo-provide ng AFP habang hinaharap ni Pemberton ang kanyang kaparusahan dito sa bansa.
Si Pemberton ay nahatulang guilty sa kasong homicide noong 2015.
Sa ngayon aniya, wala pa silang natatangap na official order mula sa korte para sa kalayaan ni Pemberton.