AFP, tiniyak na patuloy ang ginagampanang tungkulin para matamasa ang pangmatagalang kapayapaan matapos itong mabanggit ng Pangulo sa kanyang SONA

Siniguro ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi tumitigil ang kanilang hanay sa pagtupad ng kanilang tungkulin na labanan ang insurgency o ang marahas na pakikibaka para makamit ang matagalang pangkapayapaan.

Ito ay matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kahapon na kinakailangan ng gobyerno na magpatupad ng barangay development program dahil sa dami ng mga namamatay na sundalo at pulis dahil sa mga pananambang at kinakailangan ang buong suporta ng AFP.

Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, alam nilang malaki ang role ng AFP para matamo ang peace and development nang sa ganun ay maiwasan ang panggugulo ng communist terrorist group (CTG) at iba pang local terrorist group (LTG).


Ito rin aniya ang dahilan kung bakit kabilang sila sa National Task Force on Ending Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang main strategy ay para sa good governance.

Sinabi pa ni Arevalo na hindi titigil ang AFP sa pagsasagawa ng combat operations para malabanan ang mga local terrorist group.

Pero nanawagan pa rin sila sa mga rebelde na sumuko sa batas dahil handang umalalay sa kanila ang gobyerno sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Facebook Comments