Umapela si Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist (ACT-CIS) Partylist Representative Niña Taduran sa pamahalaan na iprayoridad din ang pagpapauwi sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na may mga sakit.
Ayon kay Taduran, maraming OFWs na ang may sakit at desperadong makahingi ng tulong at makauwi sa Pilipinas.
Kahit may COVID-19 ay ayaw umanong tanggapin ng ilang mga pagamutan sa bansa ang mga Pilipino at sa halip ay pinag-quarantine lamang ang mga ito sa kanilang tinutuluyan.
Hiniling ng kongresista na kung hindi kayang matulungan ng ating mga embahada sa ibang bansa ang mga kababayan ay magpadala muli ang gobyerno ng eroplano at barko ng Philippine Navy para maiuwi ang daan-daang may sakit na OFWs.
Ang barko aniyang posibleng ipadala ng bansa ay maaaring isailalim sa quarantine ang mga pauwing OFWs habang naglalayag.
Inirekomenda naman ni Taduran na kapag nakauwi na sa bansa ay maaaring idiretso para magpagamot ang mga OFWs sa Mariano Marcos Memorial Hospital sa Ilocos Norte na may iisang kaso lamang ng COVID-19.