
Binalaan ng Non-Goverment Organization (NGO) na Plan International Pilipinas ang publiko sa panganib ng artificial intelligence (AI) generated tools sa paggawa ng sexual abuse materials na maaaring mabiktima ang mga bata.
Ayon kay Executive Director Pebbles Sanchez-Ogang sa ginanap na Safer Internet Day 2026 Multi-Stakeholder Press Conference sa Department of Justice (DOJ) maaaring nakakaaliw ang AI, pero delikado rin.
Giit ni Sanchez-Ogang, maaaring magamit ang larawan ng mga bata sa pamamagitan ng AI digital apps.
Sinabi naman kay Usec. Angelo Tapales ng Council for the Welfare of Children (CWC), krisis ang paglaganap ng AI tools na lumilikha ng child sexual abuse materials.
Aniya, ito’y dahil mahirap nang malaman kung alin ang tunay o totoo at alin ang A.I.
Binanggit din ni Tapales na maraming insidente ng online child abuse ang hindi nai-uulat.
Kaugnay nito, hinihikayat niya ang lahat na huwag tumigil sa paglaban sa online child abuse kung saan kinakailangan ang tulong mula sa tanggapan ng pamahalaan, NGOs, pribadong sektor, at komunidad.










