Pinuna ng aktres at dating Quezon City councilor na si Aiko Melendez ang kapwa aktor at ngayo’y kongresista na si Alfred Vargas kaugnay ng pagkakamali sa ipinanukala nitong batas na magbabawal sa pagbibigay ng assignment sa mga estudyante tuwing weekend.
Layon ng ipinasang House Bill 3883 ni Vargas na mabigyan ng kalidad na oras ang mga estudyante kasama ang kani-kanilang pamilya tuwing katapusan ng linggo.
Bagaman may ilang pumuri, umani ng batikos ang probisyon ng panukala na papatawan ng P50,000 multa o kaya ay dalawang taon na pagkakakulong ang sinumang guro na lalabag sa batas.
Kasunod nito, naglabas ng pahayag ang kongresista kung saan nilinaw na isang “technical error” ang nasabing probisyon na iwinawasto na raw ng kanyang opisina.
“Kung inyo pong susuriin, mapapansin na may dalawang Section 4 na nakasama sa panukalang batas. Ito po ang pagkakamaling nagawa. Tama po kayo, hindi ito isang krimen na kailangan ng kaparusahan,” saad sa pahayag.
Hindi naman ito pinalagpas ni Melendez na naglabas ng saloobin sa Facebook.
“Nagkamali daw pala ang opisina ni Cong Vargas. My take on this oo walang perpekto sa mundo. Pero ang pagkakamali sa isang batas na nais mo ipasa para sa bayan ay hindi biro,” saad sa post ng “Prima Donnas” star.
“At naawa ako na ang mga guro natin na halos kakarampot na nga ang sweldo meron pa na multa na 50k (P50,000),” dagdag niya.
Kahit na raw may kapatid si Melendez na guro sa isang international school at nakaaangat ang sahod, hindi pa rin makatwiran aniya ang mabigat ng multa at parusa.
“Ngayon babawiin, nagkamali ang opisina. Cong Alfred sana sa susunod bago pumirma ng batas idouble check naman kasi buhay namin mga tax payers at mga ordinaryong mamayan ang maapektuhan,” pagpapatuloy ng aktres.
“May this be the last bill na magkakamali ang opisina mo,” dagdag niya.