Aminado ang Department of Health (DOH) na hindi pa nila matiyak kung hanggang kailan ang itatagal ng immunity ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy pa rin kasi ang pagtuklas at pag-aaral ng mga dalubhasa hinggil sa bakuna kontra COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na ito rin ang dahilan kung bakit kailangan pa ring sumailalim sa 14 araw na quarantine ng mga umuuwing Pilipino sa bansa kahit na sila ay nabakunahan na sa abroad.
Sa kabila nito, iginiit ni Vergeire na hindi naman pagbabawalan ang lahat ng mga Pinoy na gustong umuwi ng Pilipinas.
Nilinaw rin ng opisyal na wala silang balak na irekomenda sa pamahalaan ang pagpapatupad ng total travel ban dahil malaki ang magiging dagok nito sa ekonomiya ng bansa kaya maging ang ibang bansa ay hindi rin nagpatupad nito.
Ang kailangan lamang aniyang gawin ay mahigpit na i-screen ang lahat ng mga pasaherong papasok sa Pilipinas.
Samantala, pinayuhan na ng DOH ang lahat ng airline crew at ang 159 na pasahero ng Emirates flight na sinakyan ng Pilipinong nagpositibo sa UK variant.
Sa ngayon, natunton na ng DOH ang 146 sa 198 na pasahero ng Emirates EK332 flight na dumating sa bansa nitong January 7 mula Dubai.